José Rizal

Si Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda (Ika-19 ng Hunyo 1861–Ika-30 ng Disyembre 1896) ay isang Pilipinong bayani at isa sa pinakatanyag na tagapagtaguyod ng pagbabago sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Siya ang tinigtignan bilang pinakamagaling na bayani at tinala bilang isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas ng Lupon ng mga Pambansang Bayani..

Pampito sa labing-isang anak ng mag-asawang Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at ng asawa nitong si Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Ipinanganak si José Rizal sa Calamba, Laguna. Sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad ang mga anak nina Francisco at Teodora.

Ang ina ni Rizal ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay tatlong taon pa lamang. Noong siya naman ay tumuntong ng siyam na taon, pinadala siya sa Biñan, Laguna upang mag-aral sa ilalim ng pamamatnubay ni Justiano Aquino Cruz. Ilang buwan ang nakalipas, pinayuhan niya ang mga magulang ni Rizal na pag-aralin siya sa Maynila.

Ang Ateneo Municipal de Manila ang unang paaralan sa Maynila na kaniyang pinasukan noong ikadalawa ng Enero 1872.Sa kaniyang pananatili sa paaralang ito, natanggap niya ang lahat ng mga pangunahing medalya at notang sobresaliente sa lahat ng aklat. Sa paaralan ding ito niya natanggap ang kaniyang Batsilyer sa Sining na may notang sobresalyente kalakip ang pinakamataas na karangalan.

Nang sumunod na taon, siya ay kumuha ng Pilosopiya at Panitikan sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa Ateneo, kasabay niyang kinuha ang agham ng Pagsasaka. Pagkaraan, kinuha niya ang kursong panggagamot sa nasabing Pamantasan (Santo Tomas) pagkatapos mabatid na ang kaniyang ina ay tinubuan ng katarata. Noong ika-5 ng 1882, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga paring Kastila sa mga katutubong mag-aaral, nagtungo siya sa Espanya. Doo'y pumasok siya sa Universidad Central de Madrid, kung saan, sa ikalawang taon ay natapos niya ang karerang Medisina, bilang "sobresaliente" (napakahusay). Nang sumunod na taon, nakamit niya ang titulo sa Pilosopiya-at-Titik. Naglakbay siya sa Pransya at nagpakadalubhasa sa paggamot ng sakit sa mata sa isang klinika roon. Pagkatapos ay tumungo siya sa Heidelberg, Alemanya, kung saan natamo pa ang isang titulo.

Sa taon din ng kaniyang pagtatapos ng Medisina, siya ay nag-aral ng wikang Ingles, bilang karagdagan sa mga wikang kaniya nang nalalaman gaya ng Pranses. Isang dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.

Si Rizal ay nakilala sa dahil sa kanyang dalawang nobela, ang Noli Me Tangere, na nilimbag sa Berlin, Alemanya (1886) sa tulong ni Dr. Maximo Viola, at ang El Filibusterismo, na nilathala sa Gante, Belgica (1891); pinahiram siya ni Valentin Ventura ng 300 piso sa pagpapalimbag ng El Filibusterismo. Naglalaman ang mga ito ng mga paglalarawan at pagpuna sa mga nagaganap na pangyayari sa lipunang Pilipino ng mga panahong iyon. Ang mga aklat na ito ay halaw at hango sa Don Quixote ni Miguel Cervantes, manunulat na Espanyol. Ang mga ito ang naging daan upang magising ang puso't diwa ng mga Pilipino. Nakilala rin siya bilang Aaron Ng.

Makikita ang malaking bahagi ni Leonor Rivera sa buhay ni Rizal sa mga sulating kagaya ng “If Dreams Must Die” at “The Love of Leonor Rivera” ni Severino Montana. Kung saan kapwa nagpapakita ng imahe ng isang dalagitang umiibig sa bata nitong puso, isang kolehiyala na naihahalintulad kay Maria Clara, at isang walang-hanggang pag-ibig ni Rizal.

Sa buhay ng pagka-bayani ni Rizal ay may dalawang babae na kapwa nagkaroon ng mahalagang bahagi, ito ay ang kanyang ina at si Josephine Bracken. Si Donya Teodora Alonzo ay isang mapagmahal at mapag-kalingang ina, na nagpakita ng mga katangian ng isang huwarang inang Pilipino. Isang parokyano ng Kristiyanismo, para sa kanya ay isang pagtalikod o kasalanan sa paniniwala ang pag-aaral ng siyensya at pag-ibig kay Josephine Bracken.

Samantalang makikita si Leonor Rivera kay Maria Clara, si Josephine Bracken naman ay kay Salome. Si Salome ang karakter ni Rizal sa Noli Me Tangere na hindi isinama sa publikasyon kaya iilan lamang ang nakakikilala. Si Salome ay ang iniibig ni Elias, isang babaeng kakikitaan ng liberal na pag-uugali sa pagsasalita, pagkilos at pananaw sa sex. Ang usapan nina Elias at Salome ay isang senaryong kakikitaan ng lubusang pagtukoy sa pagnanasa bago pa ang mga sulatin ni Jose Garcia Villa. Maihahalintulad din si Josephine Bracken kina Magdalene, Mat Hari, Kitty O’Shea, Sadie Thompson, at Joan of Arc.

Si Josephine Bracken ang naging daan upang makita ang liberalismo ni Rizal ng ina nito at mga kapatid. Isa na rito ang naging pagtatalo ni Rizal at ng kanyang ina tungkol sa pagsasama nila ni Josephine Bracken kahit na walang basbas ng simbahan. Bukod sa pagiging liberal taglay din ni Josephine Bracken ang mga kaugalian kagaya ng pagiging matatag at may buong-loob sa pakikipaglaban ng kanyang mga pinaniniwalaan.

Ayon kay John Foreman, si Josephine Bracken ay maihahalintulad kina Gabriela Silang at Joan of Arc sa kanyang walang hanggang pakikibaka sa laban ng mga Katipuneros kahit sa pagkamatay ni Rizal. Unang nakita si Josephine sa Asamblea sa Imus, Kabite noong ika-29 ng Disyembre. Kasama niyang dumating sa pagtitipon si Paciano Rizal at iba pang kabilang sa pamilya Rizal. Ayon pa kay General Ricarte, hindi rin matatawaran ang partisipasyon ni Josephine sa paggagamot sa bahay sa Tejeros kung saan naging nurse at inspirasyon siya sa mga may sugat at iba pang nagpupunta dito. Gayundin ay makikita ang partisipasyon ni Josephine sa “Battles of Silang” st “Battle of Dasmariñas” noong ika-27 ng Pebrero. Makikita ang lubhang katatagan ni Josephine Bracken sa Rebolusyon, nang panahon kung kailan dadakipin na siya ng mga Espanyol. Kung saan naglakad siyang dumudugo ang mga paa mula sa Maragondon hanggang Laguna hanggang makarating siya sa daungan papuntang Maynila.

Si Josephine Bracken ay isang malaking bahagi ng kasasayan ng Pilipinas hanggang sa kanyang kamatayan noong taong 1902 sa sakit na tubercolosis. Ang kanyang kusang-loob na pakikibahagi sa Rebolusyon at patuloy na pagtulong sa mga Pilipino sa kabila ng hindi pagkilala ng mga ito sa kanya noong una ay sadyang kahanga-hangang kaugaliang napatunayan ni Josephine Bracken sa loob ng mahabang panahon.

Mga Pamanang-lahi

Si Jose P. Rizal o mas kilalang pepe ay isang Pilipinong repormista para sa isang lipunang malaya at hindi isang rebolusyonaryong naghahangad ng kasarinlan. Bilang puno ng Kilusan ng Pagbabago ng Pilipinas na itinatag ng mga Pilipino sa Barcelona, Espanya, nagbigay siya ng ambag-sulatin sa La Solidaridad.

Ang kanilang mga mithiin:

1. na ang Pilipinas ay maging bahaging-lalawigan ng Espanya;

2. na magkaroon ng mga kinatawan sa Batasan ng Espanya (Parlyamento);

3. na magkaroon ng mga namumunong paring Pilipino o magkaroon ng sekularisasyon;

4. kalayaan sa pagtitipon-tipon at pamamahayag;

5. pantay na karapatan sa harap ng batas, maging Pilipino man o Kastila.


Hindi matanggap ng mga maykapangyarihang opisyal ang mga pagbabagong iyon, sapagkat nangangahulugan ng pagkawala ng pangingibabaw ng Kastila. Kaya sa pagbabalik ni Rizal sa Maynila mula sa Espanya, pinaratangan siya ng paghahasik ng gulo dahil sa pagtatatag ng La Liga Filipina, nilitis at ipinatapon sa Lungsod ng Dapitan/Dapitan, Zamboanga del Norte/Zamboanga noong 1892. Doon, nagtayo siya ng isang paaralang pambata, at isang pagamutan. Bukod dito, nagsagawa rin siya ng isang pambayang sistema ng padaloy-tubig.


(http://tl.wikipedia.org/wiki/Jos%C3%A9_Rizal)